kapangyarihan, sana
sa totoo lang may isa akong pangarap na nais maabot. gusto ko to makamtan isang beses sa buhay ko. maari na akong mamatay matapos kong makuha to. iyon siguro ang kapangyarihan. hindi ito yung kapangyarihan na ginagamit ng tao ngayon para manamantala. isang kapangyarihan na alam kong sasagot sa lahat ng tanong ko. at ito ay hindi ko ikinahihiyang sabihin sa inyo dahil alam kong mahusay naman ito. kapangyarihang mabasa ang tunay na damdamin ng isang tao. hanggang sa ngayon, hindi ako nakokontento sa nakikita at nadarama ko. ilang taon na din akong pinagloloko ng aking pag-iisip. gusto kong pasukin ang budhi ng isang tao. masama man o mabuti. ito lang talaga. iilang ngipin na din ang nakita ko kakangiti. pero makikita mo na bulok na bulok. kahit anong pantay, may pangil. may iba naman na nililinis pa ito pero amoy mo pa ang baho, kakaibang baho. gusto ko rin sanang mag-aral ng anatomy ng isang tao. hindi ang laman, kung hindi ang puso, puso na kailanman hindi mahahawakan ninuman ngunit maiintindihan. sa tulong ng aking kapangyarihan, sa bawat tibok nito maririnig ko ang sinasabi, malilinawan ako sa daloy ng dugo na siyang bumubuhay sa kanya. litong-lito na nga ako sa lahat ng aking sinabi. nabigyan lang ako ng pagkakataon para mapagisipan ang mga ito. araw-araw akong nakakikita ng mga ngiti na sana tinakpan na lang ng mga kamay.